NAGLIYAB ang isang pampasaherong bus sa Commonwealth Avenue westbound, tapat ng UP TechnoHub sa Quezon City, kaninang umaga, Setyembre 10.
Nagulat na lamang ang mga motorista sa kalsada nang biglang lumiyab ang air-conditioned Kellen Bus na may plakang TXL 238 (biyaheng Grotto-Baclaran) habang nasa outer lane.
Ligtas naman ang mga sakay ng bus na nakababa at nakalipat na ang mga ito ng sasakyan bago ito lamunin ng apoy.
Mabilis naman ang naging pagresponde ng mga bumbero para maapula ang apoy.
Basag ang mga salamin at halos buong bus ang tinupok ng apoy.
Hindi naman mahagilap ang drayber ng bus bagama’t nasa lugar ang konduktor nito.
Patuloy ang pagtukoy sa sanhi ng apoy.
Inaabisuhan naman ang mga motorista na pa-westbound o patungong Quezon Memorial Circle sa pagbabagal ng trapiko dahil sa insidente. Johnny F. Arasga