SUMUKO na sa mga awtoridad ang isang policer officer na itinuturong sangkot sa ‘EDSA hulidap’ sa Mandaluyong City.
Isinasailalim na ngayon sa interogasyon ni Quezon City Police Director Chief Supt. Richard Albano ang sumukong pulis na suspek sa nangyaring EDSA hulidap kidnapping noong September 1, sa Wackwack sa Mandaluyong City.
Bago mag-alas-5:00 kaninang madaling-araw, sumuko si S/Insp. Allan Emlano na itinuturong sangkot sa insidente. Si Emlano at ang ang tatlo pa nitong mga kaklase sa PNPA ay isinasangkot sa EDSA hulidap.
Inamin ni Emlano na nakausap niya ang kanyang mistah na si C/Insp. Joseph de Vera bago pa ang insidente.
Ani Emlano, tanging tulong-pinansyal lamang ang kailangan niya sa kanyang mistah para lakarin nito ang kanyang mga papales para sa kanyang reinstatement sa serbisyo dahil nag-AWOL ito simula noong 2013.
Dagdag pa ni Emlano, nabanggit din sa kanya ng kanyang mistah na mayroon silang ikinakasang anti-illegal drug operation subalit hindi na ito idinitalye pa.
Inihayag ni Emlano na lumantas siya para linawin at linisin ang kanyang pangalan.
Itinatanggi ng opisyal na sangkot siya sa insidente at may mga pruweba siyang hawak na makakapagpatunay dito.
Nagkataon lamang umano na magkakaklase silang apat.
Sina C/Insp. Joseph De Vera, S/Insp.Oliver Villanueva, dating S/Insp. Marco Polo Estrera at si Emlano ay magkakaklase sa PNPA class 2001.
Si Emlano ay ikinanta ni PO2 Jonathan Rodriguez na isinailalim sa inquest proceedings kahapon.
Samantala, naniniwala naman ni Quezon City Police District Director Chief Supt. Richard Albano na malaki ang maitutulong sa kaso ng EDSA hulidap ang paglutang ni Emlano.
Nananawagan si Albano sa iba pang mga suspek na lumutang na lamang para mabuo at mabigyang-linaw ang nasabing insidente.
Sa ngayon, nasa 11 suspek ang pinaghahanap ng pulisya kabilang na ang mastermind na si S/Insp. Villanueva, habang tatlo na ang nasa kustodiya ng pulisya.
Kinumpirma din ni Albano na tatlo pang pulis-Laloma ang nagpahayag at nagpadala ng surrender feelers. Johnny Arasga