INIREKLAMO ng isang Korean national ang apat na pulis-Maynila matapos na hingan umano siya ng P30,000 kapalit ng kanyang kalayaan.
Sa reklamong inihain na reklamo ng biktimang si Cho Yongwoo, 36, nanunuluyan sa BF South Land Classic, Las Piñas City, sa Manila Police District-General Assignment Section (MPD-GAIS), noon pa umanong Setyembre 5, 2014, alas-8 ng gabi nang magsimula ang pangyayari habang siya ay kumakain sa Suk Chun restaurant sa Salas St., Ermita, Manila.
Ayon sa biktima, nataon aniyang nakita niya ang kanyang kababayang si Kim Hae Sung na may utang sa kanya na P500,000.
Nagkainitan at nagkasuntukan sila ni Kim at rumesponde sa komosyon ang mga tauhan ng MPD-Mobile Patrol Unit na kinabilangan ng mga suspek na sina SPO1 Randy Marlon Lebrilla, PO2 Erickson Villar, PO2 Xerxes Butuyan at PO1 Andrew Garcia.
Sinabi umano ng mga pulis na dadalhin muna sa ospital si Kim subalit nang makasakay sila sa mobile car ay sinabihan silang hindi na kakasuhan kung magbibigay sila ng P100,000.
Ayon pa kay Cho, habang nasa MPD headquarters umano siya ay hiningan na siya ng P50,000 subalit nakapagbigay lamang siya ng P30,000 na dinala ng kanyang sekretarya.
Kinabukasan ay hindi pa rin siya pinalaya at sa halip ay itinuloy pa rin ang pagsasampa ng kaso sa Manila Proaecutors Office laban sa kanya kaugnay sa kasong physical injury dahil sa panununtok nito.
Bunsod nito, nagreklamo ang biktima sa tanggapan ng MPD-GAIS. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN