KINUYOG ng mamamayan ang isang snatcher matapos magsisigaw at humingi ng tulong ang isang turistang Taiwanese na hinablutan nito ng cellphone sa Station 1 sa Boracay.
Nakakulong ngayon sa Boracay Tourist Assistance Center (BTAC) ang suspek na si Eduardo Teodosio, 21, construction worker sa isla, ng Bgy. Aranas, Balete, Aklan.
Napag-alaman na bago nakuyog ang suspek, inagawan umano nito ng cellphone na iPhone 5 ang namamasyal na si Yu Chieh Hsu, 32, taga-Taiwan at nagbabakasyon lamang sa isla.
Pero nagsisigaw ang biktima dahilan para makatawag ng pansin sa mga nakatambay na kalalakihan na nasa lugar.
Narekober sa suspek ang hinablot na cellphone at naibalik ito sa biktimang hindi nagsampa ng kaso. MARJORIE DACORO