SA isinampang supplemental affidavit ng assistant/mechanic ng napaslang na si Enzo Pastor, lalo lamang nagpatibay na may kinalaman umano ang misis nitong si Dahlia sa krimen.
Sa affidavit ni Paolo Salazar, nakasaad na mismong si Dahlia ang nagbigay ng ruta bago pa napatay si Enzo para mas madali raw makarating sa Subic, Pampanga.
Dala ni Enzo sa likod ng kanyang Elf trak kasama si Salazar ang kanyang pangarerang sasakyan para sumali sa isang gaganaping racing event sa Angeles City nang maganap ang pananambang.
Ayon pa kay Salazar, ipinagtaka rin niya na sa unang pagkakataon ay ngayon lang ginawa ni Dahlia ang pangungulit kay Enzo hinggil sa rutang dadaanan nito kahit pa alam naman ni Enzo ang daan pa-Subic.
Nakasaad din dito na sa C-5 Rd. dumaan ang mister na sinunod naman nito.
Napaisip din si Salazar sa madalas na pagtawag ni Dalia kay Enzo para alamin ang kanilang eksaktong lugar.
Bukod dito, nakasaad din na hindi siya maaring magkamali dahil nagkatitigan pa sila ng gunman na si P02 Edgar Angel bago nito pinagbabaril si Enzo habang nakahinto sila sa kanto ng Visayas at Congressional Avenue, Q.C. noong Hunyo 12.
Tinamaan din ng bala si Salazar sa kanyang katawan.
Dahil sa bagong rebelasyon ni Salazar, mas lalong tumibay ang ebidensya na sangkot si Dahlia sa pagpatay sa kanyang asawa, na ang mastermind ay ang negosyante at kapwa racer na si Sandy De Guzman.
Nahuli si De Guzman sa bahay nito sa Muntinlupa matapos ikanta ni Angel na siyang nagpaligpit kay Enzo, pero pinayagang makapagpiyansa kaya nakalaya na. ROBERT TICZON