BLANGKO pa rin ang ilang opisyal ng anti-drug agencies sa tunay na pagkakakilanlan ng babaeng isinasangkot sa hulidap sa EDSA-Mandaluyong noong Setyembre 1.
Itinanggi ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at PNP Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSTOF) na isang Norminda Galo o Amira Salik ang nasa kanilang wanted list na may kaugnayan sa “hulidap.”
Nakausap umano si Galo ng iba pang suspek na sina S/Insp. Oliver Villanueva at na-dismiss na si Insp. Marco Polo Estrera bago isagawa ang operasyon.
Si Salik din ang itinuro ng mga biktima na tumawag sa kanila bago maganap ang kidnap-extortion activity.
Gayunman, nilinaw ni PNP-AIDSTOF Spokesman, C/Insp. Roque Merdegia, na walang Salik o Galo na nag-ooperate umano ng illegal drugs trade sa Cagayan de Oro, Iligan at Lanao del Sur ang lumalabas sa kanilang intelligence investigations simula pa noong 2006.
Naniniwala naman si Merdegia na maaaring gumamit lamang ng iba-ibang pangalan ang babae upang maitago ang kanyang tunay na pagkakakilanlan. JOHNNY ARASGA