DALAWANG miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang sumabit sa kasong panggagahasa sa Zamboanga Sibugay.
Sa inilatag na follow-up operation, nakuwelyuhan kaninang umaga, Setyembre 12, ng mga tauhan ng Ipil Police station ang mga suspek na sina P01 Bedeti Gani, miyembro ng Siay Municipal Police Station at P01 Jul Kaiser Sali Hayudin, miyembro ng Malangan Police Station sa Zamboanga Sibugay sa bahay ng isa sa mga suspek sa Barandilla Veteran’s Village, Ipil, Zamboanga Sibugay.
Sa ulat, nahuli ang mga suspek dakong 8:15 kaninang umaga sa isang bahay sa lugar.
Ayon sa reklamo ng biktimang itinago sa pangalang “Anne”, 18, second year Hotel and Restaurant Management student, niyaya siya ng isa sa mga suspek na kumain sa isang fastfood chain nitong Huwebes ng hapon.
Pero sa hindi malamang dahilan, nakaramdam siya ng matinding pagkahilo nang maubos niya ang iniinom na softdrinks kaya niyaya na niya itong umuwi.
Pero imbes ihatid sa kanyang bahay, dinala siya ng suspek sa bahay nito saka ginahasa.
Bigla aniyang dumating din sa bahay ang isa pa sa mga suspek at gaya ng nauna ay ginahasa rin siya nito.
Ayon sa biktima, bagama’t alam pa aniya ang nangyayari, hindi na niya nagawang makapanlaban sa mga suspek dahil sa sobrang kahinaan.
Matapos makauwi ng bahay, dumulog agad ang biktima kasama ang kanyang mahal sa buhay sa Ipil police station na nagsagawa agad ng operasyon na nagresulta sa pagkaresto sa mga suspek sa Barandilla, Veterans Village. ROBERT TICZON