LA UNION – Hindi na umabot sa pagamutan ang isang kandidato sa pagka-municipal councilor ng San Fernando, La Union matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa nasabing lalawigan, Linggo ng madaling araw.
Kinilala ni San Fernando, La Union chief of police Supt. Manuel Apostol ang biktima na si Danilo Nisperos, ng Barangay Bangcusay, ng nasabing siyudad.
Sa inisyal na imbestigasyon, naglalaro umano ng baraha ang biktima kasama ang kanyang pamilya sa loob ng kanilang tahanan nang pasukin sila ng suspek at agad na pinagbabaril ang biktima.
Pagkatapos ng pamamaril, agad na tumakas ang suspek gamit ang isang motorsiklo habang agad na itinakbo ang biktima sa pinakamalapit na ospital ngunit hindi na ito umabot nang buhay.
Nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya para matukoy at madakip ang suspek at inaalam din kung ano ang motibo sa pamamaslang.
Samantala, kabilang ang La Union sa 15 lugar sa Region 1 na nasa areas of immediate concern na ipinalabas ng Department of the Interior and Local Government (DILG).