UMABOT sa Manila Police District General Assignment Section (MPD-GAS) ang away ng dalawang pulis matapos magbanatan sa harap mismo ng kanilang sinitang truck driver sa Maynila kagabi.
Kinilala ang dalawang pulis na sina SPO2 Charmito Cadiente Soria, 52, ng Magat Salamat St., Project 4, Quezon City at PO1 Jethro Tabinas, kapwa pulis ng MPD Traffic Enforcement Unit.
Nabatid na bandang alas-10:45 kagabi nang unang magtungo sa MPD-GAS si SPO2 Soria habang alas-12:00 ng tanghali noong February 27, 2013 nagtungo si Tabinas.
Sa ulat na naitala sa MPD-GAS, nagmurahan at nagtulakan ang dalawa nang pakialamanan ng isa ang sinitang driver ng 12-wheeler truck matapos dumaan sa “No Entry Truck.”
Nag-umpisang maggirian ang dalawang pulis nang sitahin ni Tabinas ang driver ng truck alas-8:30 ng gabi sa kanto ng España at Dela Fuente St. nang makialam si Soria.
Dito na nagkainitan ang dalawa at nag-umpisang magsigawan at magbunutan pa ng baril.
Sa pahayag ni Soria, tatlong beses siyang itinulak ni Tabinas at tinutukan pa ng baril ang driver ng truck.
Umalma naman si Tabinas at sinabing pinagmumura sya ni Soria habang nakahawak ang kamay sa baril na nakasukbit sa kanyang baywang.
Ang girian ng dalawang pulis ay naganap mismo sa harap ng sinitang truck driver.