NAGPALABAS na ang pamunuan ng Southern Police District (SPD) ng “ultimatum” laban sa hepe ng La Huerta Police Community Precinct (PCP) upang sumuko makaraang akusahan ng panggagahasa sa 15-anyos na dalagita sa loob ng sarili niyang sasakyan habang nakaparada sa parking ng Central Station ng Parañaque Police.
Ayon kay SPD Director Senior Supt. Jose Erwin Villacorte, ilang araw na ang ginawa nilang pagbibigay kay Senior Insp. Mujalni Dugasan, 55 upang maghayag at ibigay ang kanyang panig subalit hindi ito nagpapakita sa kabila ng kanilang mga panawagan.
Iniutos na ni Villacorte sa Parañaque police na sampahan na ng kaso si Dugasan matapos mabigo ang pulisya na madatnan siya sa kanyang bahay sa Taguig City.
Dagdag pa nito, simula ngayong araw ay ilalagay na nila sa AWOL (absent without official leave) status si Dugasan at ihahanda na rin ang kasong administratibo laban sa kanya.
Sakaling mapatunayang guilty sa kasong grave misconduct si Dugasan, masisibak siya nang tuluyan sa tungkulin at malabo na niyang makuha ang kanyang retirement benefit at iba pang benepisyo lalo na’t nalalapit na rin ang kanyang pagreretiro.