AABOT sa 23 madadayang timbangan ang kinumpiska ng mga tauhan ng Quezon City Hall sa Kamuning Public Market kaninang umaga Pebrero 28, 2013 (Huwebes).
Ayon kay QC City Treasurer Ed Villanueva, ang naturang timbangan ay kinumpiska dahil sa kawalan ng mga selyo mula sa kanilang tanggapan.
Sinabi pa ni Villanueva na hindi rin nainspeksyon ng kanilang mga tauhan ang naturang mga timbangan upang makatiyak ang mga mamimili na tama sa timbang ang mga ito.
Nabatid pa sa ulat na pagmumultahin ng P500 ang may-ari ng naturang timbangan sa unang paglabag.
Nagbabala rin ang tresurero ng lungsod na ugaliing palagyan ng selyo ang mga timbangan ng mga nagnenegosyo sa lungsod upang makaiwas sa abala.