NATAGPUANG palutang-lutang sa baybayin ng Manila Bay ang bangkay ng isang lalaki kaninang umaga.
Inilarawan ang biktima na nasa edad 35 hanggang 45 taong gulang, may taas na 5’2 hanggang 5’4, may bigote at balbas, nakasuot ng kulay itim na shorts na may marking ng Tau Gamma Phi Fraternity at may tattoo ng “Gina” o “Lina” sa katawan..
Sa report ni SPO2 Benito Cabatbat ng MPD Homicide Section, dakong 7:40 ng umaga nang nadiskubreng nakalutang ang biktima sa tubig ng Manila Bay malapit sa Army Navy Club sakop ng TM Kalaw St, Luneta, Ermita.
Ayon kay Cabatbat, napansin ng ilang kabataang lumalangoy sa Manila Bay ang nakalutang na katawan ng lalaki kaya ipinagbigay-alam nila ito sa lifeguard ng Army Navy Club na si Willima Trasmanio.
Sa imbestigasyon ng pulisya, matigas na ang katawan ng biktima na hinihinalang may ilang araw nang nakalutang ito sa tubig at natakpan din ng panyo ang mukha nito.
Bukod sa pasa sa kanyang noo, wala ng iba pang makitang palatanadaan na sinaktan o pinahirapan ang biktima.
Patuloy ang isinasagawang imbestiagsyon ng pulisya para matukoy kung sino ang biktima at kung may naganap na foul play sa pagkamatay nito.