ISANG biker ang dumulog kay Brgy. Chairman Popoy Caguioa, ng Barangay 521, Zone 52 sa Sampaloc, Maynila makaraang tangayin ng hindi nakilalang magnanakaw ang kanyang bisikleta na nagkakahalaga ng P20,000 (Black Vision).
Kinilala ang biktima na si Abner Bañez ng 719 C San Diego St. Sampaloc, Manila.
Nabatid na alas-4 ng madaling-araw nang pasukin ng suspek ang kanyang bahay at tangayin ang kanyang bisikleta na ginagamit niyang pangsundo sa kanyang mga anak sa eskwela at pamamalengke.
Hinalang dumaan ang suspek sa maliit na butas ng gate ng biktima.
Nabatid na ilang beses na ring inireklamo ang insidente ng nakawan sa kanilang lugar pero walang ginagawang aksyon ang kanilang mga barangay officials.
Nagtataka rin ang mga residente ng nasabing barangay kung bakit hindi gumagana ang mga ipinakabit na CCTV noong araw ng nakawan na maaaring makatulong sana upang matukoy kung sino ang mga nanloob sa bahay ng biktima.
Sa nasabi ring araw, tinangay din ng magnanakaw ang isang BMX bike na nagkakahalaga ng P5,000.