HINOLDAP ng tatalong hindi nakikilalang armadong lalaki ang isang lotto outlet sa Barangay Kagitingan, Baguio City, Biyernes ng umaga at natangay ang mahigit sa P1.8 milyong koleksyon nito.
Sinabi ng kawani ng lotto outlet na si Karen Bullong, 31, nakaranas ng internal disconnection ang kanilang computer kaya ipinaalam niya sa walo kataong nakapila na mananaya na pansamantala muna silang magsasara.
Umalis aniya agad ang lima sa mga nakapila ngunit nanatili naman sa harap ng lotto outlet ang tatlong lalaki.
Sa isang iglap ay lumapit kay Bullong ang mga suspek at nagdeklara ng holdap habang nakatutok sa kanya ang isang patalim at granada na hawak ng isa sa mga holdaper.
Dahil sa takot, inabot niya agad sa mga suspek ang collection ng lotto outlet at ang kanyang wallet na naglalaman ng P5,000.
Matapos makuha ang pakay at tumakas na ang mga suspek sakay sa isang walang plakang sasakyan.
Sa hindi naman malamang dahilan ay nabatid na lumipas pa ang 15 minuto bago natawagan ni Bullong ang may-ari ng lotto outlet na mag-asawang sina Dexter See at Nosalie See, kapwa 39-anyos at residente ng Dontogan, Sto. Thomas, Baguio City.
Dahil dito, nakatakas na ang mga suspek bago pa man nakapagresponde ang mga pulis sa nasabing lugar.