NATUSTA nang buhay ang magkakapatid na paslit nang hindi makalabas sa kanilang bahay na nilamon ng apoy sa Davao City kaninang umaga.
Halos hindi na makilala sanhi ng pagkasunog sa ulo at katawan ang mga biktimang sina Jenny Agua, 7, Rose, 6 at Roselyn, 1, pawang ng Malvar St., Davao City.
Sa ulat, naganap ang sunog alas-11:00 ng umaga sa bahay ng magkakapatid na gawa lamang sa light materials.
Ayon sa mag-asawang sina Roger at Lorna, bago ang insidente ay iniwan nila ang kanilang anak sa bahay dahil papasok ang una sa trabaho habang sumaglit naman sa tindahan ang huli para bumili ng pagkain.
Hindi naman malaman pa ng awtoridad kung ano ang pinagmulan ng sunog at kung bakit hindi agad nakalabas ng kanilang bahay ang magkakapatid.
Nadamay din sa nasunog ang ilang katabing kabahayan.