PATAY na nang maabutan sa loob ng pinapasukang restaurant ang isang 30 anyos na waiter kaninang madaling araw sa Ermita, Maynila..
Ang biktima ay nakilalang si Rene Esteban, tubong Bacolod at stay in sa ACE Eatery sa 1401 Sta Monica St., Ermita, Manila.
Sa report ni SPO2 Glenzor Vallejo ng Manila Police District homicide section, dakong 4:00 ng madaling araw nang natagpuang patay ang biktima sa loob ng pinagtratrabahuhang restaurant ng kanyang mga kaanak.
Sa salaysay ni Daniel Panis, kasamahan sa trabaho ng biktima, iniwanan nito si Esteban habang natutulog at nagtungo siya kasama ang isang Keneth De Asis sa Divisoria upang mamili ng mga gulay na lulutuin nila para sa nasabing restaurant.
Nang makabalik ang dalawa sa restaurant ay inabutan pa rin nilang natutulog ang biktima at humihilik.
Nang tangkain nilang gisingin subalit hindi ito gumagalaw kaya tinangka nilang yugyugin ang katawan nito hanggang sa tuluyan nang hindi nagising.
Ayon kay Vallejo, wala naman umano itong iniindang sakit kaya hinihinalang bangungot ang dahilan ng pagkamatay ng biktima.
Ang katawan ng biktma ay kasalukuyang nakalagak sa Harold Funeral homes para sa safekeeping at awtopsiya.