BINARIL at napatay ng riding-in-tandem ang isang dispatcher sa Payatas B, Quezon City, Lunes ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Joseph dela Torre Dacara, 34, ng Phase 1, Barangay Lupang Pangako, Payatas B, QC na namatay noon din dahil sa tinamong tama ng bala sa ulo.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police District Station 6 (Batasan), naganap ang insidente sa tapat ng health center ng Lupang Pangako dakong 5:10 ng madaling araw.
Sinabi sa ulat na nakatayo sa naturang lugar ang biktima nang biglang dumating ang dalawang suspek na sakay sa isang motorsiklo at binaril sa ulo.
Hinala ng mga kaanak ng biktima ang nakaalitan nito ang nasa likod ng pamamaslang.
Nagsasagawa na ng follow up operation ang mga operatiba ng QC police para madakip ang mga tumakas na suspek.