NASUGATAN ang anim katao kabilang ang tatlong sundalo matapos suwagin ng isang ten-wheeler truck ang dalawang military truck sa Ilocos Sur, Huwebes ng umaga.
Pawang isinugod sa Gabriela Silang General Hospital sanhi ng tinamong kapansanan sa ulo at katawan ang mga sundalong sina Marjay Laman, Sgt. Romeo Manuel, Sgt. Dickson Tungcul na naka-deploy sa Lagangilang, Abra, kasapi ng 41st Infatry Battalion at ang driver na dalawang military truck na sina Jinger Lagundi at Reynald Navarro.
Samantala, agad ding ikinustodiya ang driver ng 10-wheeler truck na si Jayson Gutlay pero dinala rin muna sa naturang ospital sanhi ng pagputok ng kanyang labi.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-8:45 ng umaga sa national highway ng Barangay Aggay, Bantay Ilocos Sur.
Bago ito, binabaybay ng 10-wheeler ang national highway na minaneho ni Gutlay nang bigla itong mag-u-turn at hindi napansin and dalawang truck ng militar na paparating.
Sa lakas ng banggaan, nakalog sa loob ng kanilang sasakyan ang mga biktima na nagresulta sa kanilang tinamong kapansanan sa ulo at katawan.
Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon para sa posibleng kasong isampa sa driver ng 10-wheeler truck.