PATAY ang isang taxi driver matapos na barilin ng kanyang pasahero sa Sampaloc, Maynila, Sabado ng madaling araw.
Nakilala ang biktima na si Gerwin Maribojoc, ng El Dorado Dulo, Don Bosco, Parañaque City at driver ng RYO taxi na may plakang UVB 804.
Sa report ni SPO3 Glenzor Vallejo, imbestigador ng MPD-Homicide Section, dakong alas-3:30 ng madaling araw nang ihatid ng biktima sa Prudencio St. sa naturang lugar isang lalaking pasahero.
Sa salaysay ng testigong si Jose Villegas, 60, flowershop decorator at residente sa lugar, bibili siya ng kape nang makita niya ang isang lalaki na nagmamadaling lumabas sa taxi at tumakbo papuntang Fajardo St. Sampaloc, Maynila .
Inilarawan ng testigo ang suspek na na may taas hanggang 5’5, nakasuot ng puting T-shirt at maong short pants.
Nang mapadaan siya sa nakahintong taxi ay kanyang nilapitan at doon nakita ang biktima na wala nang buhay na nakasubsob sa manibela.
Agad na ipinagbigay alam ang insidente sa barangay chairwoman na si Beth Benigno na siya tumawag sa himpilan ng pulisya.
Narekober ang kagamitan ng driver at hindi rin nagalaw ang kinita nito sa pamamasada.