KILALA na ang bangkay ng isang lalaki na ibinalandra sa kalsada sa Quezon City kaninang umaga.
Kinilala ang biktima na si Nasrudin Saig, 26-anyos, security guard officer ng isang security agency na nasa Sitio San Roque, Barangay Bagong Pagasa.
Kasalukuyang nangangalap pa ng mga ebidensya at mga testigo para magkaroon ng lead kung sino ang nasa likod ng pagpaslang kay Saig na kilalang mahigpit at matapang na security guard officer.
Sa imbestigasyon ng CIDU, natuklasan ang bangkay dakong 6 ng umaga sa Sitio San Roque, Barangay Bagong Pagasa, Q.C. na ilang metro lamang ang layo sa pinapasukan nitong security agency.
Bukod sa may tama ng kalibre 45 sa ulo at iba’t ibang parte ng katawan, may posas ang kaliwang kamay ng biktima na pinaniniwalaang tinambangan ng mga hindi nakikilalang kalalakihan habang naglalakad sa lugar.
Nakita na lamang ang bangkay ng biktima na nakasubsob sa kalsada nang magliwanag na kaya pinaniniwalaang naganap ang krimen ilang oras bago sumikat ang araw.
Inaalam pa ng CIDU kung ano ang motibo sa pagpatay at nangangalap pa rin ng mga ebidensya kung bakit may posas sa kamay ang biktima.