DAHIL sa naging kooperasyon ng mga residente at barangay, sinalakay ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang drug den na nagresulta sa pagkadarakip tatlong tulak ng iligal na droga at walong iba sa aktong nagpa-pot session sa Cebu City noong Marso 8, 2013.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. nakatanggap ng impormasyon ang PDEA Regional Office 7 (PDEA RO7) sa ilalim ng pamunuan ni Director Julius Navales galing sa barangay hinggil sa isang drug den na malapit sa isang unibersidad sa Sitio Kawit, Barangay Ermita, Cebu City.
Dahil dito, ikasa ang buy-bust operation kung saan nadakip ng mga operatiba ng PDEA sina Dax Keary Ag-ag, 22 anyos ; Ronilo Elcano, 33 at Nestorio Luvite, 28, matapos nilang bentahan ng shabu ang isang poseur buyer sa nasabing compound.
Kasama ring inaresto sa operasyon ang umano’y drug den operator na si Eleuterio Rivera, alias Mommy, 49, hairdresser. Kabilang sa mga inabutan sa loob ng drug den ay sina Anamae Alicabo, 30; Romero del Puerto, Jr., 27; Raymundo Batac, 36; Argie Nadela, 33; Richard Torreon, 30; Marina Cosedo, 41; at Jose Johnjay Cenabre, 36.
Maliban sa iligal na droga at mga drug paraphernalia, isang Colt.45 pistol at isang magazine na may apat na bala ang nasamsam mula kay Ag-ag.
Si Rivera naman ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 6 (Maintenance of Drug Den), at Section 12 (Possession of Paraphernalia), Article II Republic Act 9165, habang si Ag-ag, Elcano at Luvite ay kinasuhan naman ng paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs). Paglabag sa Section 7 (Visitors of Drug Den) ang ikinaso naman sa iba pang inaresto.
Nanawagan si Cacdac sa iba pang barangay at mga residente dito na suportahan ang kampanya ng PDEA at iba pang drug law enforcement agencies kontra iligal na droga.