DINAKIP ang isang Chinese national matapos ireklamo ng pambabasag ng salamin ng kotse sa Caloocan City kaninang madaling araw, Marso 12.
Nahaharap sa kasong malicious mischief ang suspek na si Jonathan Ke, 29, ng Howard Tower, 6th Avenue ng lungsod.
Sa ulat, nagreklamo kaninang umaga ang biktimang si William Co, 48, nang makitang basag ang salamin ng kanyang sasakyan na nakaparada sa tapat ng Howard Tower.
Nakiusap ang biktima sa pamunuan ng Howard Tower na matignan ang cctv sa nasabing lugar. Nakita ang suspek na residente rin sa lugar sa CCTV na siyang bumasag ng salamin dakong alas-3:45 ng madaling araw.
Agad na humingi ng tulong sa mga pulis ang biktima na naging dahilan upang dakpin ang suspek.
Inaalam na kung ano ang ikinagalit ng suspek sa biktima upang basagin ang salamin ng sasakyan ng huli.