DAHIL sa kakulangan sa perang maipambayad sa matrikula ang dahilan ng pagpapatiwakal sa pamamagitan ng pag-inom ng silver cleaner ng isang estudyante ng University of the Philippines-Manila campus ang nagpakamatay.
Kinumpirma ni Professor Andrea Martinez na si Kristel Tejada, 16, first year student, kumukuha ng Behavioral Sciences sa UP-Manila ay nagpakamatay sa pamamagitan ng pag-inom ng silver cleaner sa kanilang bahay sa Abad Santos, Tondo, Maynila .
Si Tejada ay dinala pa sa Metropolitan Medical Center , alas 3:00 ng madaling-araw kanina dahil may pulso pa ito at umuungol pa nang makita ng kanyang mga magulang ngunit hindi na rin naisalba ng mga doktor.
Sinabi ni Prof. Martinez, guro ng biktima, na nakausap na rin niya ang mga magulang ng biktima at hindi rin makapaniwala sa sinapit ng kanilang anak.
Nabatid din kay Prof. Martinez na noong nakalipas na linggo ay naghain si Kristel ng leave of absence mula sa UP dahil hindi ito nakapagbayad ng kanyang tuition fee.
Mula umano nitong buwan ng Pebrero ay hindi na nakakapasok ang biktima dahil bukod sa problemang pampinansyal, mayroon din siyang problema sa pamilya.
Madalas umanong nakakausap ni Prof. Martinez si Kristel, at nito lamang Miyerkules ay nagtext sa kanya ang biktima at ipinaalam na hindi siya okay o hindi maayos ang kanyang kondisyon.
Nitong Lunes ay nagpost pa ito ng status sa kanyang Facebook account kung saan kanyang inilagay ang mensaheng “I hope, I will be missed.”
Batay din sa kuwento sa kanya ni Kristel, malaki ang epekto sa kanya ng paghinto sa pag-aaral dahil siya ang panganay sa kanilang limang magkakapatid at plano niyang siya ang magtaguyod sa kanilang pamilya.
Ang ama ni Kristel ay isang part time taxi driver, habang ang ina naman niya ay isang housewife.