PATAY ang isang 36-anyos na taxi driver nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang nakatayo sa harapan ng isang restaurant kahapon ng madaling araw sa Paranaque City.
Dead on the spot ang biktimang si Joel Agustin, binata, ng 63 Barrio Daop-palad, Merville sanhi ng mga tinamong tama ng kalibre .45 baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito.
Inaalam naman ng pulisya ang pagkakailanlan ng suspect na agad tumakas patungong Wally St. matapos ang pamamaslang sa biktima.
Sa imbestigasyon ni PO3 Simon Respicio ng Homicide Section ng Pasay police, dakong alas-3:10 ng medaling araw nang pagbabarilin ang biktima habang nakatayo ito sa isang restaurant na matatagpuan sa kanto ng West Service Road at Merville Access Road ng naturang siyudad.
Sa pahayag ng testigong si Eduardo Singson, 80, vendor, nag-aayos na siya ng mga panindang diyaryo nang marinig niya ang sunod-sunod na putok ng baril kaya’t sa takot na tamaan ng ligaw na bala ay napayuko siya kaya’t hindi niya nakita ng malinaw ang mukha ng salarin.
Nakita na lamang umano niya na nagmamadali ng tumakas ang suspect habang duguan ng nakatihaya at wala ng buhay ang biktima.
Nakapagresponde naman kaagad sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 10 ng Pasay police sa pangunguna ni SPO2 Ferdinand Tanada at tinangka nilang tugisin ang salarin subalit hindi na nila inabutan.
Nakuha sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang limang basyo ng kalibre .45 baril na ginamit ng salarin. Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa naturang pamamaslang.