PATAY na nang madiskubre ang isang babae habang sugatan naman ang kanyang nanay nang looban ng magnanakaw ang kanilang bahay sa Quezon City kaninang madaling-araw.
Wala nang pulso nang madiskubre sanhi ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Marissa Gatmaitan, ng Ipoh St., Barangay Salvacion.
Sugatan din sa insidente ang ina nitong hindi nakuha ang pangalan at isinugod sa Chinese General Hospital (CGH) sanhi ng saksak sa katawan.
Sa salaysay sa pulisya ng isang Lito, kasama sa bahay ng mag-ina, nadatnan niya ang lalaking pumasok sa loob ng kanilang bahay kaya siya nagsisigaw sa pag-aakalang ito ay magnanakaw.
Sa katarantahan naman ay tumakas agad ang lalaki at sumakay sa kotseng nakaparada sa bahay ni Gatmaitan.
Nang pasukin na ng mga kapitbahay ang bahay ng mag-ina, natagpuan nilang duguan si Mariza Gatmaitan at wala nang pulso habang sugatan naman ang ina nito.