TODAS ang isang 22-anyos na lalaki habang nasa loob ng computer shop kasama ang kanyang ka-live-in sa Tondo, Maynila, Biyernes ng madaling araw.
Idineklarang dead on arrival sa Ospital ng Tondo ang biktima na si Kim Charles Flores, may kinakasama, at taga-Torres Bugallon St., Tondo sanhi ng saksak sa dibdib.
Inilarawan naman ang suspek na may edad sa pagitan ng 18-22, may taas na 5”3 hanggang 5’6 at armado ng patalim.
Sa report ni SPO3 Rodelio Lingcong ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong 1:35 ng madaling araw nang naganap ang insidente sa loob ng PESO Net Computer shop sa 750 Int., 33 J. Planas St., Tondo.
Ayon sa kinakasama ng biktima na si Gelyn Edem, naglalaro sila sa nasabing computer shop nang pumasok ang suspek na walang damit pang-itaas at itinakip ito sa kanyang mukha.
Nilapitan nito ang biktima at walang sabi-sabing inundayan ng saksak sa dibdib.
Hindi na nagawa pang sumigaw ni Edem upang humingi ng saklolo dahil nabigla siya sa pangyayari.
Nang makitang duguan ang biktima ay mabilis na tumakas ang suspek
Ang bangkay ng biktima ay kasalukuyang nakalagak sa Archangel Funeral Morgue para sa safekeeping at awtopsiya.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pagpatay.