BASAG ang bungo ng isang bakasyunista nang sumalpok ang kanyang pinaharurot ng motorsiklo sa poste ng kuryente sa Ilocos Norte kaninang umaga (Marso 22).
Dead on arrival sa Gov Roque Ablan Sr Memorial Hospital ang biktimang si Michael Namapira, 26-anyos, binata, tubong Bataan at residente ng Barangay 4 sa bayan ng Pasuquin.
Ayon kay P/Insp. Joseph Tayaban, deputy chief of police ng PNP Pasuquin, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng umaga sa national highway sa Pasuquin.
Bago ito, hiniram ng biktima ang motorsiklo ng isang kaibigan pero dahil sa bilis ng pagpapatakbo ay sumalpok ito sa isang poste na gawa sa kahoy.
Dahil sa lakas ng pagbangga, tumilapon ang biktima at nabagok ang ulo sa sementadong kalasada.
Sinabi pa ni Tayaban, nagbabakasyon lamang ang biktima mula sa Bataan.