LALO pang hinigpitan ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang mandatory inspections sa mga barkong magsisipaglayag sa pagdagsa ng mga pasahero ngayong Semana Santa.
Ayon sa PCG, tanging ang mga nakapasa sa inspections ang papayagang maglayag o bumiyahe habang ang mga hindi ligtas na barko ay hindi makakabiyahe.
Inatasan din ng PCG inspection team na i-check ang mga communications equipment at lifesaving equipment tulad ng life jackets ng mga barko.
Mahigpit ding binabantayan ng PCG ang mga kolurom na barko at mga bangkang naglalayag sa mga isla upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero na nagsisidagsa na sa mga pantalan para makauwi sa kani-kanilang mga probinsya.