NAGSAGAWA ng sorpresang “random drug testing” ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga bus driver sa Araneta Bus Terminal sa Cubao, Quezon City upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero ngayong Semana Santa.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, alas-8 ng umaga nang isagawa ang random drug testing sa mga driver ng bus kung saan ay pinapirma muna sila ng “sac onset form” bago kinuhanan ng 60ml sampol ng urine o ihi.
Ani Tolentino na ang hakbang na ito ay para matiyak na walang driver na bibiyahe na nasa ilalim ng ipinagbabawal na gamot para sa kaligtasan ng mga mananakay.
Dagdag pa ni Tolentino, hindi nila papayagang makabiyahe ang sinumang magpositibo sa drug test upang maiwasan ang anumang sakuna at mahaharap pa ito sa kaso sakaling mapapatunayan na gumagamit ng iligal na droga ang driver.
Samantala ayon naman kay PDEA chief Arturo Cacdac, sa kanilang isinagawang drug test sa mga bus driver na sa loob lamang ng lima hanggang sampung minuto ay malalaman na ang resulta nito.
Unang isinalang sa drug test ang ilang driver at kundoktor sa Araneta Center Bus Station na kung saan 11 driver ang negatibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Isinunod naman ng MMDA at PDEA ang mga driver sa Victory Liner sa Pasay City na kung saan sumailalim sa drug test at breath analyzer upang mabatid kung nakainom ng alak ang mga ito.
Isang bus driver ang nagpositibo sa breath analyzer ngunit sa paliwanag naman ng pamunuan ng Victory Liner ay sa gabi pa umano ito bibiyahe dakong alas-8 kung saan ay makakapagpahinga muna ito.
Nilinaw naman ni Cacdac na screening process pa lang ang nasabing hakbang at kailangan pang isalang sa confirmatory test ang specimen para sa mas malalimang pagsusuri.
Inaasahan naman ngayon araw hanggang sa araw ng Huwebes ay dadagsain ng mga papanakay ang mga bus terminal upang makauwi sa kani-kanilang probinsiya para sa Semana Santa.
Idinagdag pa ni Tolentino, walang day-off ang empleyado ng MMDA at patuloy silang magbabantay at aalalay sa mga aktibidad ngayong Holy Week.