LABINGDALAWANG katao ang iniulat na namatay habang 531 ang sugatan at dalawa naman ang nawawala sa iba’t ibat insidente na naganap nitong nakaraang Mahal na Araw, ayon sa ulat kaninang umaga (Marso 31) ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa kanilang 6 a.m. report, sinabi ng NDRRMC na ang pinakahuling kaswalidad ay ang tatlong nalunod at isang iniulat na nawawala.
Isa sa mga biktima na si Roland Deo, 33, ay nalunod sa Sitio Batog sa Barangay Arnedo sa Bolinao, Pangasinan dakong 1:30 p.m. nitong Sabado d Gloria.
Naisugod pa si Deo, na residente ng Caloocan City, sa Rillera Medical Hospital pero namatay din sanhi ng asphyxia o kawalan ng hangin sa baga, ayon pa sa NDRRMC.
Su huli namang ulat ng NDRRMC na isang magpinsan ang namatay sa Taal Lake sa Barangay Wawa sa Tanauan City sa Batangas province noong nakaraang Huwebes ng Santo.
Ang biktimang si Junior Redondo ay nalunod nang kumunyapit sa lalaking sumasagip sa kanya habang ang pinsan nitong si Richard Matanguihan ay nalunod din habang siya ay sinasagip.
Kapwa napunta ang mga biktima sa malalim na bahagi ng lawa at naunod. Narekober ng kanyang kamag-anak at mga residente sa lugar ang kanilang bangkay matapos ang halos isang oras na paghahanap.
Sa kabilang dako, nawawala naman ang isang nagngangalang Apple Joy Carion, 13, at pinaniniwalaang nalunod sa Caguray River dakong alas 9 a.m. noong Sabado de Gloria sa Sitio Tuong sa Magsaysay town sa Occidental Mindoro.
Patuloy pa rin na ikinakasa ang rescue operations para matagpuan si Carion.
Sinabi ng NDRRMC na sa 12 namatay, anim sa kanila ay mula sa Region 4-A (Calabarzon), 3 ay mula naman sa Cagayan Valley, at tag-isa sa Ilocos, Region 10, at Caraga.
Sa 531 sugatan, 493 ay mula sa Metro Manila, 24 mula sa Region 4-A, 7 sa Cagayan Valley, 6 sa Region 10, at 1 mula sa Central Luzon.