KINILALA na ang apat na lalaking napatay sa naganap na engkuwentro sa pagitan ng mga tauhan ng Manila Police District at mga miyembro ng iligal na droga at armas sa Baseco Compound Port Area, Manila kanina.
Ang dalawa ay kinilala na sina Ato Muhammad, 36 at Alvin Pilas, 19, kapwa ng Blk. 7 Lot 80, Baseco Compound, habang ang dalawa ay inaalam pa ang pagkakakilanlan.
Samantala, isang barangay tanod ang patuloy na inoobserbahan sa Gat. Andres Bonifacio Medical Center, matapos tamaan ng bala sa tiyan na kinilalang si Junrey Cabual, 35, ng Brgy. 649 Zone 68.
Sa ulat, 11:00 ng tanghali kanina nang maganap ang engkuwentro sa Block 9, Baseco Compound sa Port Area.
Dalawang kalibre 45 baril at dalawang kalibre 38 baril ang narekober sa lugar ng engkuwentro.
Bago ang engkuwentro, nabatid na dakong 10:00 ng gabi kahapon nang may magbarilan sa nasabing lugar kaya rumesponde ang pulisya sa pangunguna ni MPD-Station 5 P/Supt. Ferdnand Quirante, hanggang sa abutin sila ng madaling-araw sa isinagawang follow-up operation.
Kanina ay may nagbigay ng impormasyon sa mga pulis na nagbalik ang mga suspek sa lugar, kaya agad silang nagtungo at naganap ang bakbakan.
Sa puntong ito, apat kaagad ang bumulagta, at ang iba naman ay nagawang makatakas papalayo sa lugar.
Bukod sa mga baril, nakarekober din ng mga awtoridad ng drug paraphernalias na hinihinalang gamit sa pagbebenta ng iligal na droga sa lugar.
Napag-alaman pa sa imbestigasyon na nang maganap ang barilan kahapon ay dalawang bata ang tinamaan ng ligaw na bala, na kinilalang sina Galbz Gabinete, 10 at Alrnie Legato, 8.