KINUMPIRMA ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na maaaring umabot sa 40 degrees celsius ang mararanasang temperatura sa bansa at magpapatuloy ang mainit na panahon sa mga susunod na araw.
Ayon kay weather forecaster Leny Ruiz ng PAGASA, maaaring maglaro mula sa 38 hanggang 40 degrees celsius ang klima sa Pilipinas, partikular sa Tuguegarao City sa Cagayan Valley.
Aniya, ang nasabing lugar ang isa sa nakararanas ng matinding init ng panahon.
Bukod sa Tuguegarao, makararanas din ng pinaka-mainit na temperatura ang Subic sa Zambales, Cabanatuan, at Cavite.
Nauna rito kamakalawa, naitala sa Tuguegarao City ang 36.5 degrees celsius na temperatura at nakaranas din ng 36.6 ang Subic na mas matindi kumpara sa Metro Manila na nakapagtala lamang ng 34.4°C.
Huling naitala ang pinaka-matinding init sa Tuguegarao City noong Mayo 11, 1969 nang mairehistro ang 42.2 degrees celsius.
Sinabi ng PAGASA na ang nararanasang mainit na panahon ay bunsod ng nararanasang Easterlies o hanging mula sa Karagatang Pasipiko.
Pinayuhan din ng PAGASA ang publiko na uminom ng maraming tubig at magdala ng pananggalang sa sikat ng araw kapag nasa labas ng bahay upang maprotektahan ang sarili sa matinding init ng panahon.