KALABOSO ang isang lalaki matapos makuhanan ng patalim nang magwala at magpakilalang pulis sa Caloocan City, Lunes ng gabi.
Nahaharap sa mga kasong alarm and scandal, usurpation of authority, illegal possession of deadly weapon at paglabag sa omnibus election code si Andrew Guttierez, 26-anyos at taga-Peralta St., ng lungsod.
Sa ulat, dakong alas-11:30 ng gabi, lasing ang suspek at nagwawala sa 8th avenue ng lungsod na naging dahilan upang itawag sa mga pulis.
Nang respondehan ay nagpakilalang pulis ang suspek sa mga tunay na pulis subalit nang hingan ng identification card ay wala itong naipakita.
Nakuha sa suspek ang isang patalim at black beret na may logo ng Regional Public Safety Battalion ng National Capital Region Police Office.