PATAY ang 34-anyos na kilalang holdaper at drug pusher nang tambangan ng hindi nakilalang armadong salarin makaraang pagbabarilin habang naglalakad kanina sa madaling-araw sa Pasay City.
Dead on the spot ang biktimang si Mark Anthony Bodonia, alyas Mac-Mac, ng 51-A Vizcarra St., Barangay 135 sanhi ng mga tama ng bala sa ulo at likurang bahagi ng katawan.
Sa imbestigasyon ni PO3 Melvin Garcia ng Investigation and Detective Management Section ng Pasay police, naglalakad ang biktima sa Vizcarra St., patungo sa Basillos St. nang sundan ng nag-iisang suspek na armado ng kalibre .9mm at kaagad na pinaputukan ng apat na beses sa ulo at likod.
Tumakas ang suspek makaraan ang pamamaril patungo sa hindi nabatid na lugar, bitbit ang ginamit na armas.
Sa salaysay ng ina ng biktima na si Leonila Bodonia, 68, nagtapat sa kanya ang kanyang anak na nakatatanggap na ng pagbabanta sa kanyang buhay na may kaugnayan sa ilegal na droga.
Dagdag pa ni Bodonia, nasangkot na sa iba’t-ibang uri ng kasong panghoholdap at carnapping ang kanyang anak at dalawang ulit na ring napasok sa rehabilitation center.
Matatandaan na iprinisinta pa ng pulisya kay Mayor Antonino Calixto si Bodonia matapos madakip sa aktong panghoholdap sa loob ng isang pampasaherong jeep subalit nakapaglagak ng piyansa.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan sa suspek habang nakuha sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang apat na baso ng kalibre .9mm na ginamit ng salarin sa pamamaslang.