PINANINIWALAANG may ilang araw nang patay bago nadiskubre ang bangkay ng isang babae na nakalagay sa garbage bag sa loob ng comfort room sa Quiapo, Manila kahapon ng umaga.
Inilarawan ang biktima sa edad 25 hanggang 30 anyos, nakasuot ng kulay dilaw na blouse na may strap na nakalilis na kita ang kulay itim na bra, may tama ng bala sa dibdib at naka suot ng maong na pants.
Base sa report na isinumiti ni Det. Rommel del Rosario kay P/Insp. Steve Casimiro, hepe ng Manila Police District-Crime Against Persons Investigation Section, una na umanong nakatanggap ng tawag sa telepono si P/Insp. Armand Macaraeg sa hindi nagpakilalang caller na umano’y may natagpuang patay sa lugar ng Arlegui sa Quiapo ng bandang 4:00 ng madaling araw.
Agad na nagtungo sa lugar si Macaraeg, kasama ang ilan nitong tauhan sa Barbosa Police Community precinct na sakop ng MPD-Sta.Cruz Police Station 3.
Pagsapit sa bahay na may address na 879 Arlegui St., kasama pa ni Insp. Macaraeg ang isang Romeo Banara, barangay kagawad ng Brgy.383-Zone 39 at umano’y walang nakitang patay sa lugar.
Dahil dito, minabuting iwan ni kagawad Banara ang isa sa kanyang tanod na nakilalang si Amenodin Omar, 37 anyos at nagmatyag ito hanggang sa magliwanag.
Bandang 9:00 ng umaga, natuklasan ang bangkay ng babae na nakasilid sa kulay itim na plastic garbage bag na may tama ng bala sa kanang bahagi ng dibdib.