NALAMOG nang husto ang katawan ng isang lady guard nang gulpihin ng apat na kalalakihan na ang isa ay empleyado sa establisimiyentong pinapasukan ng una sa Albay nitong Martes ng gabi, Abril 2.
Isinugod agad sa ospital sanhi ng pasa, bukol at sugat sa ulo at sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Jaena Samena, guwardiya sa isang gusali sa bahagi ng Barangay Capantawan, Legazpi City.
Sa ulat, naganap ang insidente alas-8:00 kagabi ilang metro lamang ang layo sa pinapasukang gusali ng biktima.
Bago ito, pauwi na ang biktima mula sa pagdu-duty nang salubungin ng apat na kalalakihan at sa hindi pa malamang dahilan ay pinagtulungan nang bugbugin.
Sa ospital, sinabi ni Samena na nakilala niya ang isa sa mga suspek na dating empleyado sa kanyang pinapasukang kompanya pero hindi muna ibinunyag ng pulisya pagkakakilanlan nito.