SWAK sa kulungan ang isang pulis at kanyang misis matapos madakip ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang buy-bust operation sa Taguig City.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang nadakip na suspek na si Senior Police Officer 2 Wilfredo Hidalgo, 47, kasalukuyang naka-absent without official leave (AWOL) sa kanyang puwesto sa Southern Police District-National Capital Region Police Office at ang kanyang asawa na si Cristina, 46, kapwa ng No. 6 General Santos Avenue, Lower Bicutan, Taguig City.
Ayon sa ulat, nadakip ang mga suspek ng operatiba ng PDEA sa ilalim ni Director Laurefel Gabales, ng Station Anti-Illegal Drug Division-Special Operations Task Group (SAID-SOTG) ng Taguig PNP sa Lower Bicutan nitong nakalipas na Abril 2, 2013, alas-6:00 ng gabi.
Sinabi ng PDEA na nakumpiska mula sa mga suspek ang pitong plastic sachet na naglalaman ng shabu na may timbang na tatlong gramo at isang Beretta pistol.
Kasalukuyan ngayong nakapiit ang mag-asawa sa PDEA custodial facility sa Quezon City.