NAILIGTAS ng Bureau of Imigration (BI) ang limang biktima ng human trafficking matapos maharang sa Clark International Airport, Pampanga habang pasakay ng Cebu Pacific patungong South Korea noong Marso 25.
Ayon kay Immigration Commissioner Ricardo David Jr., umamin ang lima na sa Incheon, South Korea ang kanilang destinasyon kung saan sila ay magtratrabaho bilang mga nightclub entertainer.
Pinigil ang paglipad ng mga naturang pasahero matapos madiskubre na wala silang overseas employment permits mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Samantala, inalis naman sa kanyang posisyon ang immigration officer na nauna nang nagbigay ng clearance sa mga biktima na makaalis.
Tumanggi naman si David na pangalanan ang naturang BI employee habang naka-pending ang isasampang kasong kriminal at administratibo laban dito.