TODAS ang isang kelot matapos pagsasaksakin ng tiyuhin sa loob ng kanilang bahay sa Caloocan City, Miyerkules ng gabi.
Dead on arrival sa Nodado Hospital si Erwin Estanislao, 29-anyos, ng Phase 10-A, Bagong Silang ng lungsod, sanhi ng mga saksak sa katawan.
Pinaghahanap naman ng mga pulis si Romenano Pineda, 40-anyos, ng nasabing lugar.
Batay sa pahayag ng asawa ng suspek na si Sherly, dakong alas-10:30 ng gabi, nasa loob siya ng banyo nang marinig ang apong edad 7-anyos na sumigaw ng “Tama na po Lolo, huwag na ninyo pong saksakin si Tito Erwin.”
Agad na lumabas si Sherly at inabutang nakahandusay ang duguan biktima.
Isinugod ang biktima sa nasabing ospital habang tumakas naman ang suspek.
Inaalam na ng mga pulis ang pinag-ugatan ng pananaksak.