MASUWERTENG muling nabawi ang 10-anyos na bata makaraang iwanan sa palengke ng babaeng dumukot sa kanya sa Muntinlupa.
Bukod sa dinukot ang bata ay ninakawan pa ito ng dalawang cellphone.
Sa imbestigasyon, Martes ng umaga nang magpaalam ang biktimang itinago sa pangalang “Reina” para kumuha ng card sa kanyang paaralan pero hindi na nakabalik pa.
Ayon sa bata, isang babae ang nagpatulong sa kanya na magbitbit ng mga gamit hanggang pasakayin siya sa dyip at hindi na alam kung saan dinala.
Narekober lamang ang bata ng ilang residente ang nagmagandang loob na dalhin sa barangay ang bata nang makitang umiiyak na sa isang palengke sa Muntinlupa.
Matatandaan na isang bata rin ang iniulat na dinukot ng lalaki kahapon sa Roosevelt, Quezon City habang dalawang bata naman sa Taguig City noong Miyerkules Santo na patuloy pang pinaghahanap ng awtoridad at kani-kanilang pamilya.