ARESTADO ang dalawang hinihinalang holdaper matapos makipaghabulan sa nagrorondang barangay tanod nang humingi ng saklolo ang kanilang nabiktima kagabi sa Tondo, Maynila.
Hawak ngayon ng Manila Police District-Police Station 2 ang mga suspek na nakilalang sina Arturo Bobis, 29, ng 117-A Bustamante St.2nd Avenue, Caloocan City; at Isidro Subido, 29,ng 1634 F. De Leon St. Tondo, Maynila.
Sa report, naglalakad umano ang biktimang si Glen Macquiling, ng 40 Bahay Toro St.,Proj. 8, Quezon City,dakong alas 8:15 ng gabi nang dikitan ng mga suspek at tutukan ng patalim saka nagdeklara ng holdap.
Kinuha umano ng mga suspek ang pitaka ng biktima na naglalaman ng P350. Saka kaswal na naglakad papalayo sa lugar.
Tiyempo namang nagroronda ang mga Barangay Tanod na si Rene Andrade at isa pa nang magpasaklolo ang biktima at itinuro ang mga suspek na naglalakad palayo sa lugar.
Hinabol ng mga tanod ang suspek,nagkahabulan hanggang sa kapwa maabutan.
Nahaharap ngayon sa kasong robbery hold-up ang mga suspek.