NATAGPUAN na ang pulis na iniulat na nawawala at kabilang sa mga inambus ng New People’s Army (NPA) sa Ifugao na ikinamatay ng kanyang tatlong kasamahang pulis nitong nakaraang Sabado.
Sinabi ni Chief Supt. Roberto Soriano, deputy regional; director for administration ng Cordillera PNP, nakaligtas sa nasabing ambush si P02 Victor Dawong Jr., matapos itong tumalon sa bangin.
Bagama’t sugatan nakahingi ito ng tulong sa may-ari ng isang bahay na nasa ilalim ng bangin na siyang nagdala sa biktima sa hindi pinangalanang ospital.
Nilinaw din ni Soriano na wala ng iba pang pulis na nawawala sa nasabing engkuwentro.
Kabilang sa mga namatay sa enkuwentro sa Sitio Pila, Barangay Namal sa Sipulo Ifugao sina P/Insp. Geroge Lauro ng Betag, La Trinidad, Benguet, PO2 John Cudod ng Mt. Province at si PO3 Jodis Mangue.
Samantala, sinabi naman ni P/Supt. Davy Limmong, information Officer ng Cordillera PNP, na dinagdagan na nila ang kanilang puwersa sa Ifugao lalo na sa kanilang operasyon laban sa mga rebelde na nasa ilalim ng tinaguriang Sandatahang Unit pampropaganda ng NPA.