TODAS ang isang bata-bata ng mga pulis matapos barilin ng hindi pa kilalang suspek sa loob ng bahay ng kaibigan sa Caloocan City Sabado ng gabi, Abril 6.
Dead on the spot sanhi ng tama ng bala sa likuran ulo si Ronnie Haw, alyas Intsik, 40, electrician ng D. Aquino st., ng lungsod at bata-bata ng Station Anti-Illegal Drugs ng Caloocan City Police.
Batay sa ulat, dakong alas-11 ng gabi, kasama ng biktima ang isa pang bata-bata ng pulis na si Pinky Ispuarra, 26 na nagpunta sa isang alyas Boy sa Heroes Del 96 ng lungsod.
Hindi inabutan ng biktima ang sadya subalit isang lalaki ang nagpapasok sa mga bisita sa loob ng bahay at sinabing tatawagin si alyas Boy.
Habang nasa loob ng bahay ang biktima at kasama ay sumulpot ang suspek at walang salitang pinutukan ang nasawi.
Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek kung saan inaalam na ng mga pulis kung sino ang salarin.
Inaalam na rin ng mga pulis kung may kaugnayan sa pagiging bata ng mga pulis ang biktima na nasabing pamamaril.