KASALUKUYANG nagpapagaling sa ospital ang isang lalaki na isa sa mga tauhan ng mayoralty candidate makaraang bugbugin ng tatlong kalalakihan sa Malinao, Albay.
Nakilala ang biktima na si Jose Peña y Canaleta, ng Barangay Baybay, nasabing bayan at tauhan ni incumbent Mayor Billy Ceriola.
Nabatid na sakay ng kanyang owner type jeep at nagsasagawa ng soundtracking ang biktima nang harangin ito mga suspek na kinilalang si Jovani Bringino, Diomedes Aperin, Dante Cansilao, pawang mga tauhan umano ni Vice-Mayor Alice Morales na tumatakbo sa pagka-alkalde sa Mayo.
Ayon pa sa balita sa radio, pinagtulungang bugbugin ang biktima at pinutol pa ang wiring mula sa amplifier na gamit sa pagpapatugtog ng kanyang sasakyan.
Agad namang tumakas ang mga ito sa hindi malamang direksyon.
Dahil dito, nagpadala na rin ng dagdag na tauhan ang Albay Police Provincial Office sa nasabing bayan upang mapanatili ang katahimikan ng lugar sa habang papalapit ang eleksyon.