NALITSON ng buhay ang dalawang katao habang naabo naman ang may P3 milyong halaga ng mga ari-arian nang lamunin ng apoy ang isa sa pinakalumang gusali sa Zamboanga City nitong Martes ng hapon (Abril 9).
Ang 2 bangkay ay natagpuan ilan sandali lamang matapos maapula ang sunog na tumupok sa Zamsulu Building sa may Veterans Avenue sa Zamboanga City.
Wala pang pangalan ang mga biktima na pinaninniwalaang empleyado sa nasunog na gusali bukod sa nahihirapan din silang kilalanin ng mga awtoridad dahil sa matinding pagkasunog ng kanilang katawan.
Sinabi ni City fire marshal Superintendent Dominador Zabala Jr. naganap ang insidente dakong 4:30 ng hapon sa ikatlong palapag ng naturang gusali na mayroong tindahan ng muwebles, dress shop at isang sangay ng bangko.
Inaalam pa ng arson investigators kung may katotohanan na ang pinagmulan ng sunog ay mula sa isang tindahan na may nakaimbak na mga paputok na hindi naibenta nitong nakaraang Bagong Taon.