SWAK sa kulungan ang dalawang hinihinalang marijuana dealer matapos madakip ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) makaraang makumpiskahan ng mahigit P.7 milyon halaga ng marijuana sa La Union.
Kinilala ng PDEA ang nadakip na suspek na sina Segundo Cogaig at Michael Olario, pawang residente ng Santol, La Union.
Nasorpresa sina Cogaic at Olario sa mga operatiba ng PDEA at Balaoan–Philippine National Police (PNP) sa isinagawang anti-narcotics operation dakong alas-5:00 ng hapon sa Barangay Masupi, Balaoan, La Union.
Nakumpiska sa dalawa ang may 30 kilo ng marijuana na nagkakahalaga ng P750,000 na umano’y inangkat pa mula sa Benguet.
Nakapiit ngayon sina Coagic at Olario sa detention cell ng PDEA sa La Union matapos sampahan sa korte ng kasong paglabag sa Sec. 5 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nabatid pa sa imbestigayon, na ang dalawang suspek ay pinaniniwalaang matagal ng nagbebenta ng iligal na droga sa naturang bayan.