TIMBOG ang isa sa tatlong holdaper na humampas ng matigas na bagay sa mukha ng call center agent na kanilang hinoldap sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis kaninang madaling-araw sa Malabon City
Si Rendell Espiridion, 19 ng 9-F Batangas Alley, Brgy. 153 Caloocan City ay positibong kinilala ni Delfin Cruz, Jr. 29 call center agent ng 51 Milagros St. Batong Barrio, Caloocan City na isa sa tatlong lalaki na umagaw ng kanyang Samsung J7 cellphone na nagkakahalaga sa P16,000.
Pinaghahanap naman ng mga pulis ang kasama ni Espiridion na nakilalang si Mark Lester Polo, residente din ng Batangas Alley at isa pang hindi kilalang kasamahan ng mga ito.
Ayon kay Malabon police investigator PO2 Jose Romeo Germinal II, kumakain ang biktima sa labas ng convenience store sa kahabaan ng Victoneta Avenue, Brgy. Potrero pasado alas-1:50 ng madaling-araw nang walang sabi-sabing hinataw ito ng ng bato sa mukha ng isa sa mga suspek at sapilitang inagaw ang kanyang cellphone.
Kahit sugatan, nahawakan ng mahigpit ng biktima ang kanyang cellphone at sumigaw na humingi ng tulong na naging dahilan upang magsitakas ang mga suspek habang nakahingi naman ng tulong si Cruz sa mga tauhan ng PCP-2 na agad nagsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Espiridion. ROGER PANIZAL