KRITIKAL sa pamamaril ang isang ginang habang sugatan naman kanyang anak at kaibigan nang buweltahan ng kanilang tsuper na sinibak ng una sa Quezon City, Biyernes ng madaling araw.
Nagtamo ng isang tama ng bala ng hindi pa malamang kalibre ng baril sa ulo at ngayon ay nakikipaglaban kay Kamatayan ang biktima na sina Cindy Nakayama, 49-anyos.
Kapwa nagtamo ng saksak sa mukha at braso ang anak ni Cindy na si Yuki Nakayana, 15-anyos at ang kabigan nitong si Elvita Umbas, 59-anyos.
Nakaligtas naman sa pag-atake ang isa pang anak ni Cindy na si Queenie, 13-anyos mabilis na nakalabas ng kanilang apartment sa gitna ng komosyon at nakahingi ng tulong sa kanilang kapitbahay.
Nahagip naman sa closed circuit television (CCTV) ang pagpasok ng tatlong suspek sa bahay ng mga biktima pero isa pa lamang ang positibong kinilala ni Queenie na si Marc Dalde, ang family driver ng Nakayana.
Ayon naman sa security guard ng compound na isang nagngangalang Erwin, pinapasok niya si Dalde dahil kilala niya itong tsuper ng pamilya Nakayana. Ipinagpaalam din ni Dalde ang dalawang kasamang lalaki.
Limang buwan pa lamang si Dalde na drayber ng pamilya at malaya itong nakakalabas-masok sa bahay ng mga biktima hanggang sa sibakin ito sa trabaho sa hindi pa malamang dahilan.