INARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti Organized Crime Division (AOCD) ang tatlong lalaki dahil sa iligal na pagpupuslit at pagbebenta ng diesel.
Kinilala ni Mamerto Cortez, head agent ng NBI-AOCD, ang mga suspek na sina Dennis Abarquez at Florentino Cardena, kapwa driver ng oil tanker at Jomar Pingol, operations checker.
Sa report, nanggaling ang oil tanker (CSU 919) sa Abucay, Bataan at nagdeliber sa dalawang bus terminal sa Paco, Maynila nang ito ay mahuli.
Tinatayang 14,000 litro ng diesel ang laman ng tanker na pag-aari ng FAP Haulers nina Franco at Angela Pecson.
Bago ito, nakatanggap ng impormasyon ang NBI hinggil sa nagagagnap na iligal na pagpasok at pagbebenta ng langis ng isang alias “Torres” na may tanggapan sa United Parañaque IV Subdivision, Paranaque City dahilan para magsagawa ng operasyon na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Inirekomenda na ni Atty.Ruel Lasala, NBI-Deputy Director for Special Investigation Services, na sampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa
Batas Pambansa #33 o an Act Defining and Penalizing Certain Prohibited Acts Inimical to the Public Interest and National Security Involving Peroleum Products, in relation to Presidential Decree 1865, sa Parañaque Prosecutor’s Office.