TODAS sa ambush ang bodyguard ng isang vice mayor sa bayan ng San Manuel sa lalawigan ng Pangasinan kaninang umaga.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital sanhi ng tinamong tama ng bala ng kalibre 45 sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Darwin Sacules, 35-ayos, at residente ng Barangay Sto. Domingo sa nabanggit na bayan.
Blangko pa ang pulisya kung sino ang nasa likod ng pamamaslang sa biktima pero tiniyak na may kaugnayan ito sa pulitika.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 10:30 ng umga sa national highway ng Barangay San Juan.
Bago ito, patungo ang biktima sa Barangay San Juan upang kunin ang padala ng kanyang asawa sa bahay ng kanyang hipag nang pagbabarilin ito ng hindi nakilalang suspek na sakay din ng motorsiklo na walang plaka.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan sa insidente upang malaman ang pagkakakilanlan ng suspek maging ang motibo sa pagpatay sa biktima.